Bumagsak ang isa sa mga itinatayong poste ng Metro Rail Transit-7 (MRT-7) sa West Avenue sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat ni Allan Gatus sa SuperRadyo dzBB ngayong Lunes, sinabi umano ng isang opisyal ng Barangay Philam na isa sa mga itinatayong bored pile na magsisilbing poste at pundasyon ng elevated turnback guideway o pagmamaniobrahan ng mga tren ang bumagsak.
Kaagad umanong nagtungo sa lugar ng insidente ang mga tauhan ng barangay at doon nakita ang mga bamagsak na steel bars at scaffoldings.
Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente at wala ring sasakyan na nabagsakan, bagaman may ilang electric cable wires ang naapektuhan.
FLASH REPORT: Isa sa mga ginagawang poste ng MRT-7 sa West Avenue, Quezon City, bumagsak kahapon, April 13.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 14, 2025
Ayon sa kapitan ng Brgy. Philam, wala namang nasaktang indibidwal maliban sa mga naapektuhang kable ng kuryente. | via @allangatus pic.twitter.com/Vm3djFWQ0d
Sinusubukan pa ng SuperRadyo dzBB na makausap ang construction company para makuhanan ng paliwanag sa nangyari. -- FRJ, GMA Integrated News

