Sinampahan ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ)  ang apat na vlogger dahil umano sa "fake news," partikular sa pagmanipula sa video interviews ng mga government official.

“Nagkakalat po sila ng mga video at mga— gamit ang social media platforms kung saan ang mga video at mga interviews sa ating mga government official ay ini-isplice nila at pinapalitan ng ibang konteksto,” ayon kay NBI Criminal Intelligence Division Senior Agent Raymond Macorol.

Sinabi ni Macorol na mga reklamong unlawful use of publication, violation of the Anti-Alias Law, at inciting to sedition, ang isinampa laban sa mga vlogger.

Idinagdag niya na minanipula rin ng mga vlogger ang isang video ni NBI Director Jaime Santiago na nagsasaad na sasampahan ng opisyal ng reklamo ang mga overseas Filipino worker na nagpapakalat ng fake news.

“Inisplice po nila ang video na ito. Pinalitan nila ng ibang konteksto at mga caption kung saan nilagay nila, OFW (overseas Filipino workers) aarestuhin daw. Pinapakalat nila na wag na magpadala ng mga remittances para sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa ating bansa,” ayon kay Macorol.

Hindi tinukoy ni Macorol kung sino ang mga vlogger pero galing umano ang mga ito sa Saudi Arabia, Canada, New Zealand, at United Kingdom, at nagbabakasyon ngayon sa Bohol.

Sinabi rin ni Macorol magsasampa rin sila ng reklamo sa iba pang vloggers. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News