Isang doktor na lalaki ang nakitang patay at may mga saksak sa katawan sa loob ng isang SUV na inabandona sa Quezon City.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na isang security guard ang nag-report sa nakatigil na SUV sa Mindanao Avenue extension sa Barangay Pasong Putik.
Hindi tinukoy ng pulisya ang pangalan ng biktima pero doktor umano ito na 68-anyos at lalaki.
Lumilitaw sa imbestigasyon na gunting o iris scissors ang ginamit sa pagsaksak sa biktima.
Nawawala rin ang mga gamit ng biktima gaya ng mobile phone, wallet, at cash kaya pagnanakaw ang nakikitang motibo sa krimen.
Nang suriin ang dashcam ng SUV, isang lalaki ang nakuhanan na dumaan sa harap ng sasakyan noong Biyernes dakong 10:00 pm.
Ayon sa pulisya, pumasok sa sasakyan ang naturang lalaki na itinuturing suspek sa krimen, at naaresto sa follow-up operation.
Nakuha sa suspek ang ATM card at nail cutter ng biktima.
Itinanggi naman ng suspek na may kinalaman siya sa krimen. Iginiit niya na walang ATM na nakuha sa kaniya, at sa kaniya umano ang nail cutter.
Iginiit din niya na nasa bahay siya nang mangyari ang krimen at mapapatunayan umano ito ng kaniyang asawa at mga kapitbahay.
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery with homicide. -- FRJ, GMA Integrated News