Sugatan ang isang pedicap driver sa Baseco, Maynila matapos siyang barilin ng isang pedicab operator na "minaliit" umano ng biktima ang pagkatao kaya nagawa ang krimen.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay 649 nitong madaling araw ng Martes.
Sa video footage, madidinig ang sunod-sunod na putok ng baril. Maya-maya lang, nahagip na sa camera ang tumatakbong suspek palayo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Nakaligtas naman ang 31-anyos na biktimang pedicab driver na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang balikat.
Dalawang oras matapos ang pamamaril, nadakip ang suspek na isang pedicab operator.
Ayon sa pulisya, sinabi ng suspek na pinagnakawan umano siya ng biktima kaya niya tinangkang patayin.
"Yung motibo sa krimen ay paghihiganti. Nalaman natin na itong suspek ay isang pedicab operator at pinaghihinalaan niya na itong victim ay ninakaw yung kaniyang pedicab kaya nagawa niya itong krimen," ayon kay Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Nakumpiska sa suspek ang isang baril na walang lisensya na ginamit umano sa krimen.
Sa panayam, inamin ng suspek ang krimen na nagawa umano niya dahil minaliit umano ng biktima ang kaniyang pagkatao.
Gayunman, humihingi siya ng patawad sa biktima.
Ipinaliwanag din niya na dating pag-aari ng kaniyang ama ang baril na dating may lisensya pero hindi na nare-renew.
Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng suspek. -- FRJ, GMA Integrated News