Kinontrata umano ng Chinese Embassy sa Manila ang isang Philippine-based marketing firm upang mag-organisa ng "troll farm" o kumuha ng mga tinatawag na “keyboard warriors” noong 2023.
Inihayag ito ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga submersible drone nakita sa dagat ng Pilipinas na hinihinalang bahagi ng pag-e-espiya ng China sa bansa.
Sa naturang pagdinig, ipinakita ni Tolentino ang umano'y service agreement na ginawa noong August 2023 ng Chinese Embassy sa Pilipinas, na kinakatawan ni Wu Chenqi, director ng media and public relations ng embahada, at ng InfinitUs Marketing Solutions Inc., na kinakatawan naman ni Myka Poynton, na marketing director ng nasabing kompanya.
“Meron silang agreement. Ang trabaho ng InfinitUs is to provide keyboard warriors... Malamang itong keyboard warriors ay mga kababayan natin,” sabi ng senador.
Ipinakita rin ni Tolentino ang tseke na mula sa Bank of China Manila Branch na may petsang September 11,2023 na nagsasaad ng kabayaran umano na P930,000 sa InfinitUs.
“Hindi po ito normal public relations, hindi po ito normal PR campaign. Ang ginagawa po is to openly provide information and convey the policies of the Chinese government,” sabi ni Tolentino.
“The money that the Chinese Embassy paid was for something hidden and sinister. It was to finance a troll farm. Troll farm po ‘yun. A covert disinformation and influence operation against the Philippine government and the Filipino people,” patuloy niya.
Inihayag din ni Tolentino ang impormasyon na umano’y mula sa ulat ng InfinitUs na “ipinagmamalaki” ang “hundreds of fake social media accounts they have created using fake personas.”
Nagpapanggap umano ang fake accounts na mga estudyante, negosyante, kasapi ng Armed Forces of the Philippines, ayon pa sa senador.
“So ibig sabihin po 'yung lumalabas sa Facebook ay di totoong tao, ito po ay troll…kaya lang ang ating mga kababayan ay nalilinlang,” giit niya.
Ayon din umano sa ulat ng marketing firm, naka-engaged na sila sa 50,000 na totoong tao gamit ang troll accounts at "they were entangled in their web of deceit.”
“‘Di ito simpleng kontrata. Ito pong kontrata at kabayaran na ito ay pagyurak sa dignidad ng mga Pilipino, pagyapak sa dignidad ng Pilipinas,” giit ni Tolentino.
“Lahat po ng lumalabas ngayon, karamihan 'yung akala nating viral, ‘yung akala natin ay pinag-uusapan talaga ay base pala sa mga ganito. Ang nagbayad ay China para atakihin ang maraming personalidad,” sabi pa ng senador.
Ayon kay Tolentino, kabilang sa mga personalidad na inatake ng trolls ang pangulo ng bansa, mga senador at kongresista, at kasapi ng hudikatura.
Hinihinala ni Tolentino na kasama rin siya sa mga inaatake dahil sa mga pambabatikos na natatanggap niya online.
Sinabi pa ng senador na patuloy umano ang naturang operasyon, at may iba pang kompanya na sangkot, maliban sa InfinitUs.
Sa kabilang nito, hindi sinisisi ni Tolentino ang mga Pinoy na nagtatrabaho para sa naturang operasyon na sumusunod lang umano sa nakasaad sa kontrata ng Chinese Embassy at InfinitUs.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ng Chinese Embassy sa Manila at InfinitUs Marketing Solutions, Inc. kaugnay sa isiniwalat ni Tolentino.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News