Makaraang iulat na may aircraft carrier ng China na nasa karagatang sakop ng Pilipinas, inihayag naman ng Amerika na nasa Philippine Sea rin ang kanilang aircraft carrier.
Sa pahayag ng US Navy, inihayag nito na ang Nimitz Carrier Strike Group ay pinangungunahan ng flagship nitong USS Nimitz (CVN 68), ay kasalukuyang nagpapatrolya sa Philippine Sea matapos ang nakatakdang pagdaong nito sa Guam.
Ayon pa sa US Navy, ang hakbang na ito ay nagpapakita na “the ship’s operational readiness and the U.S. Navy’s commitment to a secure and prosperous Indo-Pacific region.”
“Operating forward as a strike group hones our ability to maintain persistent and capable forces at sea, always ready to provide our leaders with a broad spectrum of military capabilities to respond to any crisis or contingency,” saad ni Rear Admiral Maximilian Clark, commander, Carrier Strike Group 11 sa pahayag.
Bukod sa USS Nimitz (CVN 68), kabilang din sa strike group ang Carrier Air Wing (CVW) 17, at ang Destroyer Squadron (DESRON) 9, na binubuo ng USS Gridley (DDG-101), USS Lenah Sutcliffe Higbee (DDG-123), USS Curtis Wilbur (DDG-54), at USS Wayne E. Meyer (DDG-108).
Kasalukuyang nag-o-operate ang mga barko sa loob ng lugar ng operasyon ng U.S. 7th Fleet, ang pinakamalaking forward-deployed fleet ng US Navy.
Noong Huwebes, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng Chinese aircraft carrier na Shandong malapit sa bansa habang ito ay tumatawid patungong Philippine Sea kasama ang mga escort nito. —FRJ GMA Integrated News