Sinampahan na ng kaso si dating presidential spokesperson Harry Roque at Cassandra Li Ong, kaugnay sa operasyon ng POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga,
Ayon kay Department of Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty nitong Lunes, kasong qualified trafficking ang inihain sa Angeles City Regional Trial Court (RTC), laban kina Roque, Ong [ang authorized representative ng Lucky South 99], at 40 iba pa sa Angeles City Regional Trial Court (RTC).
“Kasi diba ‘yung depensa naman ng mga iba diyan na sinasabi nila na magkahiwalay ‘yung Lucky South 99 tsaka ‘yung Whirlwind. Pero para sa mga piskal, itinuring nila na iisang grupo,” paliwanag ni Ty sa ambush interview.
“Kay Ginoong Harry Roque, kay Attorney Roque... may lumabas doon na siya ay pumunta. Kahit na sinasabi niya na abogado lang siya ng Whirlwind siya ay pumunta sa office ng PAGCOR upang ipakiusap ang application ng Lucky South 99 para ma-renew ‘yung kanilang IGL,” dagdag nito.
Ayon kay Ty, ililipat ang pagdinig sa kaso sa Pasig sa utos umano ng Supreme Court.
Kasunod nito, sinabi ni Ty na maaaring maglabas ng arrest warrant ang korte laban sa mga akusado. Ang mga wala sa bansa, gaya ni Roque, maaaring ikonsiderang nagtatago sa batas.
“May ibang options na diyan ‘yung pamahalaan natin. Kasama na diyan ‘yung pag-cancel nung kanilang passport, kasama na doon ‘yung paglagay sa kanila ng red list ng Interpol,” paliwanag niya.
Nasa Netherlands ngayon si Roque ay may aplikasyon para sa asylum.
Ayon kay Ty, inatasan sila ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ipaalam sa pamahalaan ng Netherlands na may nakitang basehan ang DOJ para kasuhan si Roque.
“Papakita namin na talagang, ano talaga ito, walang kinalaman sa pulitika ito. This is really about the crime of human trafficking,” anang opisyal.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento nina Roque at Ong. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News