Nadakip sa Pasig City ang isang 22-anyos na lalaki matapos saksakin umano ang kaniyang kainuman sa Cainta, Rizal noong 2022. Kaniyang depensa, nadamay lang siya.Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing hinuli ang lalaki sa bisa ng arrest warrant sa Barangay Pinagbuhatan nitong Linggo.Naganap ang krimen sa Barangay San Andres sa Cainta, Rizal, ayon sa pulisya.“Ito'y pangkaraniwang inuman muna, doon nagsimula. Tapos siyempre mga lasing na. Tapos nagkaroon ng kursonadahan doon sa lugar. May saksakan pong naganap dito sa pangyayaring ito,” sabi ni Police Chief Master Sergeant Rey Allego, PIO ng Cainta MPS.Inilabas ng korte ang arrest warrant para sa tatlong akusado noong 2023.Batay sa records ng pulisya, isa sa kanila ang nahuli isang araw matapos ang insidente at nakapiit sa BJMP Cainta.Pangalawa naman si alyas “Mark” na ayon sa pulisya, nagtago matapos ang krimen.Kaniyang depensa, nadamay lang siya sa gulo. Ngunit umamin siyang nagtago siya ng dalawang taon sa Bulacan at isang taon sa iba't ibang lugar sa Cainta.“Nasama lang po ako noon na hindi ko alam na may gulong mangyayari. Tapos hindi ko po alam na may sinaksak… Nakatambay po ako sa kalsada tapos bigla na lang nila akong tinawag. Nagtago po ako eh,” sabi ni alyas “Mark.”Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang akusado sa pananaksak.Nakadetene sa custodial facility ng Cainta Municipal Police Station si alyas Mark, na mahaharap sa kasong frustrated murder. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News