Isang lalaki ang namatay habang nakapila para sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal sa Marikina sports complex nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat ni Sam Nielsen ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ng Marikina City Police Station na 20-anyos ang naturang delivery rider na naghihintay makatanggap ng ayuda.

Bigla umanong nawalan ng malay ang lalaki at dinala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center dakong 4:20 p.m. Pero pagkaraan lang ng halos isang oras, idineklara siyang patay na.

 

 

Ayon sa pulisya, inihayag ng ospital na “natural death” ang dahilan ng kaniyang pagpanaw.

Nakarating umano sa pulisya ang impormasyon tungkol sa insidente nito lang Martes ng umaga kaya nagsagawa sila ng imbestigasyon. — FRJ, GMA Integrated News