Inihayag ng Malacañang na "fake news" ang umano'y memorandum mula sa Palasyo na nag-aatas na alisin sa puwesto si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at paigtingin ang operasyon para maitaas ang ratings ng administrasyong Marcos.
Pinalitaw na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang naturang memorandum na idineklara ng Palasyo na peke.
Sa isang press briefing nitong Miyerkoles, nagpaalala si Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa publiko laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
''It's a fake news. It's fake, so huwag niyo na pagkaabalahanan 'yan,'' ani Castro.
''Huwag po tayong basta maniniwala sa mga fake documents, sa mga dokumentong nagkakalat-kalat. Tandaan natin, uso ngayon ang fake news,'' dagdag niya.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News