Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ngayong Huwebes ang pagbebenta ng P20 per kilo na bigas sa Cebu. Pero ang Commission on Elections (Comelec) nais muna itong ipatigil dahil sa eleksyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DA na isang memorandum of agreement ang pinirmahan ng Food Terminal Inc. at Provincial Government ng Cebu para sa subsidy sharing upang ipatupad ang pilot test ng murang bigas.
Tatagal hanggang Disyembre ang pilot test, na sasakop sa iba pang rehiyon sa Visayas, at pakikinabangan ng nasa 800,000 kabahayan o apat na milyong tao, ayon sa DA.
“Today, Labor Day, we fulfill a promise made three years ago by President Bongbong Marcos to the Filipino people: to bring down the price of rice to P20 per kilo. That promise is now a reality—Benteng Bigas Meron Na!,” pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DA na gumawa ng plano para maipagpatuloy ang programa ng murang bigas hanggang sa 2028 sa buong bansa.
Sa ilalim ng programa, target na ibenta ang P20 per kilo na bigas sa mga mahihirap na pamilya, kabilang na ang mga senior citizens, solo parents, persons with disabilities, at mga benisaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).
Sa isang buwan, maaaring makabili ng hanggang 30 kilos na murang bigas ang bawat pamilya.
Kasama rin sa plano ng DA na gawin ang programa sa 16 lugar sa Metro Manila. Ilalagay ang distribution centers sa mga sumusunod na lugar:
- DA Central Office, Quezon Memorial Circle
- Bureau of Plant Industry, Malate, Manila
- Bureau of Animal Industry, Visayas Avenue, Quezon City
- Plant Fiber Development Authority, Las Piñas
- Bagong Sibol Market, Marikina City
- Disiplina Village Phase 1, Valenzuela City
- Food Terminal Inc., Taguig city
- Barangay 183, Midway Park, Caloocan City
- Philippine National Police headquarters, Camp Crame
- Philippine Postal Corporation, Manila
- PNP Eastern Police District, Pasig City
- Pasay City Public Market, Libertad St.
- Kamuning Public Market, Cubao
- Mandaluyong Public Market I, Kalentong
- Mandaluyong Public Market II, Fabella Rd., Brgy. Addition Hills
- Bagong Silang Phase 9 Public Market, Caloocan City
Kasabay ng paglulunsad ng programa sa Cebu, nanawagan naman si Comelec chairperson George Erwin Garcia sa DA na ipatigil muna ang pagbebenta hanggang sa matapos ang eleksyon sa Mayo 12.
“Ang sabi nga natin, pagkatapos ng araw na ito, medyo tigil muna bukas. Pupwede naman maituloy after ng May 12, kahit sa May 13 na lang uli sila magsimula ng murang bigas,” pahayag ni Garcia sa Super Radyo dzBB.
Inihayag ni Laurel na hihintayin nila ang utos ng Comelec tungkol sa kanilang programa pero umaasa siya na hindi ito pipiligin para sa kapakinabangan ng mga mahihirap.
“If Comelec disallows rice distribution during the restricted period, the DA plans to start selling the subsidized rates in earnest right after the midterm elections,” anang kalihim. -- FRJ, GMA Integrated News
