Nanganganib na masibak sa trabaho ang dalawang pulis matapos mabistong rumaraket sila bilang mga bodyguard ni Davao City Rep. Paolo "Pulong" Duterte. Ang kanilang mga opisyal, mananagot din, ayon sa pamunuan ng Philippine National Police.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nabisto ang ginagawang raket ng dalawang pulis bilang bodyguard ni Duterte dahil sa nag-viral na video na nakuhanan sa loob ng isang club sa Davao City.

Ang naturang video ay kuha kung saan sinasaktan umano ni Duterte ang isang negosyante.

Basahin: Lalaking inireklamo si Paolo Duterte, kinumpirma ang viral video ng umano'y pananakit sa kaniya 

Ayon kay PNP chief Police General Rommel Marbil, nakilala ang dalawang pulis na kasama sa Duterte sa naturang video.

Matapos umanong isuko ng dalawang pulis ang kanilang mga baril at ID, nag-absent without leave na ang mga ito.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig si Duterte at ang dalawang pulis.

Pero nauna nang sinabi ni Duterte na hindi pa siya makakapagkomento sa alegasyon at pinapa-authenticate pa nila ang video. -- FRJ, GMA Integrated News