Arestado sa Pasay City ang limang lalaki at isang babae matapos mabuking ang pekeng alok ng kanilang grupo na manipulahin umano ang resulta ng eleksyon para pumabor sa isang kandidato.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing isinagawa ng NBI Olongapo at NBI Special Task Force ang operasyon matapos silang makatanggap ng marked money para sa pekeng alok na pagmamanipula sa resulta ng eleksyon upang paboran ang isang kandidato sa pagka-alkalde sa Zambales.
Ngunit ayon sa Commission on Elections (Comelec), imposible ito.
Parte ng modus ang pagpapaliwanag ng grupo kung paano ito isasagawa, at nagpapakilala silang mga IT expert.
Mayroon din umano silang kakaibang app sa mobile phone na maaaring i-tamper, manipulahin at basahin ang soft copies ng mga balota sa automated counting machines.
“May nakahanda raw sila na about 80,000 copies of blank ballots na ipapalit nila sa Tuesday or Wednesday kapag naibigay na ‘yung balance na P15 million,” sabi ni Senior Agent Norman Revita ng NBI Olongapo.
Ayon sa mga suspek, mga ahente lang sila ng nagpapakilalang sindikato na may kakayahan umunong mandaya.
Nahaharap ang mga arestado sa reklamong estafa, usurpation of authority at paglabag sa election law. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.
