Asahan ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, na ang diesel ang posibleng maging pinakaapektado.
Sa pagtaya ni Rodela Romero, assistant director ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, ang magiging dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga sumusunod:
Gasoline - tataas ng P0.95 hanggang P1.40 per liter
Diesel - tataas ng P1.50 hanggang P2.00 per liter
Kerosene - tataas ng P1.30 hanggang P1.40 per liter
Ang naturang pagtaya ay batay sa kalakalan ng krudo sa world market sa nakalipas na apat na araw, at maaaring magbago pa sa huling trading day ngayong Biyernes.
Ayon kay Romero, ang posibleng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay maaaring dulot ng kasunduan ng US at China na bawasan ang taripa sa karamihan ng mga imported na produkto sa loob ng 90-araw .
Posibleng nakaapekto rin umano ang pagpapataw ng US ng parusa sa halos dalawang dosenang kompanya na sangkot sa pandaigdigang kalakalan ng langis ng Iran.
Isa rin sa mga dahilan ng tinatayang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang inaasahan ng OPEC na mas mabagal na pagtaas ng suplay ng langis sa 2025 at mas mababang paggastos sa kapital kasunod ng pagbaba ng presyo ng langis.
Inaanunsyo ng mga oil company ang official price adjustments tuwing Lunes at ipatutupad sa susunod na araw ng Martes.
Sa nakalipas na dalawang magkasunod na linggo, nagkaroon ng tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. —mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

