Hindi na tatanggapin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga party-list group na kapangalan ng mga sikat na TV show at programa ng gobyerno katulad ng "ayuda" sa susunod na eleksyon.

“Hindi na kami papayag sa susunod na accreditation process na gagamit sila ng mga sikat na telenovela na pangalan. Hindi kami papayag na gagamit sila ng mga pangalan ng ayuda. Hindi na po tama 'yon,” ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia.

Ayon kay Garcia, dapat nauukol tungkol sa kani-kanilang adbokasiya ang pangalan ng mga party-list group.

“Sa mga susunod we will no longer allow. If they want accreditation, change the names of their party in accordance with their principles, kung ano ang kanilang plataporma,” payo ng opisyal. 

Batay sa isinagawang canvassing ng Comelec na umupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), sa pagbilang ng mga para sa boto para sa party-list elections, ang Akbayan ang nangunguna na may 2,779,621 boto, at posibleng makakuha ng tatlong upuan sa Kamara de Representantes.

Sumunod sa Akbayan ang Duterte Youth na may 2,338,564 boto, at pangatlo ang Tingog Partylist na may 1,822,708 boto.

Pang-apat naman ang 4Ps partylist na may 1,469,571 boto, at ang ACT-CIS ang pang-lima na may 1,239,930 boto.

Ang iba pang party-list groups na nasa top 15 ay ang:

    Ako Bicol — 1,073,119
    Uswag Ilonggo — 777,754
    Solid North Partylist — 765,322
    Trabaho — 709,283
    CIBAC — 593,911
    Malasakit @ Bayanihan — 580,100
    Senior Citizens — 577,753
    PPP — 575,762
    ML — 547,949, at
    FPJ Panday Bayanihan — 538,003

Hindi pa naglalabas ang Comelec ng bilang kung ilan ang upuan na makukuha ng mga party-list group dahil kailangan pa itong kuwentahin mula sa kabuuang dami ng bumoto, kumpara sa mga boto na nakuha ng bawat grupo.-- mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News

For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.