Inalis na umano ng Korte Suprema ang temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng no contact apprehension policy (NCAP) sa mga motorista, ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
“Yes,” sagot ni Guevarra sa mensahe sa mga mamamahayag nang tanungin tungkol sa pag-alis ng TRO ng SC sa NCAP nitong Martes.
Pero wala pa umano silang kopya ng resolusyon ng SC, sabi pa ni Guevarra.
Nitong nakaraang linggo, naghain ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng urgent motion sa SC na alisin na ang TRO laban sa NCAP.
Agosto 2022 nang magpalabas ng TRO ang SC laban sa NCAP na ipinatutupad ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila para manghuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Inilabas ng SC ang TRO laban sa NCAP bunga naman ng petisyon na inihain noon ng ilang transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, at Alliance of Concerned Transport Organizations na kumukuwestiyon sa legalidad ng kautusan ng mga lokal na pamahalaan ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque sa Metro Manila. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News

