Isang two-star general na lalaki sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inireklamo ng rape through sexual assault at attempted rape through sexual assault ng dalawang sundalo na lalaki rin. Ang paratang, itinanggi ng heneral.Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nakasaad sa reklamo ng dalawang sundalo na nangyari ang pananamantala sa kuwarto ng heneral matapos silang dumalo sa isang pagtitipon na may inuman.Sa CCTV footage, makikita ang grupo ng mga sundalo, kasama ang heneral nang dumating sa San Fernando Air Base sa Lipa, Batangas, noong gabi ng Enero 29.Sa isa pang video clip, makikita na ang dalawang sundalo na lumabas mula sa tinutuluyan ng heneral at umiiyak.Inalalayan sila ng isang opisyal sa labas at isinumbong ang ginawa umano sa kanila ng heneral.Sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng dalawang sundalo na tinanong sila ng heneral kung nais nilang matulog sa kuwarto nito. Sa pag-aakalang nagbibiro ang heneral, nag-yes umano sila.Hanggang sa natuloy ang pagtulog nila sa kuwarto na magkakasamang humiga sa isang kama, at nasa gitna umano ang heneral. Doon na rin nangyari ang pagsasamantala sa kanila.Ang isa sa mga sundalo, palihim na nag-record umano ng video kahit madilim na bahagi ngayon ng isinasagawang imbestigasyon.Itinanggi ng heneral ang paratang at sinabing imposible ang ibinibintang laban sa kaniya dahil madali siyang mapagtutulungan ng mga ito.“Complainants are strong, able-bodied military officers who could easily overpower me…They are not under duress nor did I use a firearm or any bladed weapon, nor I use force, threat, or intimidation against their will,” saad sa counter-affidavit ng heneral.“They could have easily left my room, as they had free access to the door or used force to prevent the unlawful act,” dagdag pa niya.Ayon naman sa abogado ng dalawang sundalo, maaari ding mangyari ang panghahalay maging sa mga lalaki.“Yung pang-aabuso, yung panghahalay, puwede siyang mangyari kahit kanino. Puwedeng mangyari sa babae, puwedeng mangyari sa lalaki, puwedeng mangyari kahit sa mga matitipunong mga sundalo,” pahayag ni Atty. Nico Robert Martin.Inalis na sa kaniyang puwesto ang heneral at isinailalim sa restrictive custody ng Philippine Air Force habang patuloy ang imbestigasyon.Sa imbestigasyon ng Office of Ethical Standards and Public Accountability ng AFP, may nakitang basehan para isalang sa pre-trial investigation ang heneral.Nasa tanggapan na umano ni AFP Chief-of-Staff General Romeo Brawner Jr. ang resulta ng paunang imbestigasyon.“For review na po siya and signature po ng ating chief-of-staff. Siya rin po ang ating convening authority. And the case is currently awaiting his approval for the referral doon sa ating general court-martial,” ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.“Yun pong ating accused will face trial under Articles of War 96, ito pong conduct unbecoming of an officer and a gentleman. And [Articles of War] 97, conduct prejudicial to good order and military discipline,” dagdag ng opisyal.“Zero tolerance po tayo for any form of misconduct such as this po,” sabi pa ni Padilla.May hiwalay na reklamong attempted rape through sexual assault at rape through sexual assault ang dalawang sundalo na kanilang inihain sa piskalya ng Lipa, Batangas.– FRJ, GMA Integrated News