Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa courtesy resignation ng Cabinet secretaries, na may layuning i-“recalibrate” ang kaniyang administrasyon matapos ang midterm polls.

“It’s time to realign government with the people’s expectations,” sabi ni Marcos sa isang press release na inilabas ng Presidential News Desk.

“This is not business as usual,” saad ng Pangulo. “The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses. We hear them, and we will act,” pagpapatuloy niya.

Ang kaniyang kahilingan para sa courtesy resignations ay para mabigyan ang Pangulo “to evaluate the performance of each department and determine who will continue to serve in line with his administration’s recalibrated priorities.”

“This is not about personalities—it’s about performance, alignment, and urgency. Those who have delivered and continue to deliver will be recognized. But we cannot afford to be complacent. The time for comfort zones is over,” saad ni Marcos.

Ayon pa sa Presidential Communications Office, ang hakbang na ito ay nagmamarka ng isang "clear transition" mula sa unang bahagi ng pamamahala patungo sa isang mas tutok na pagkilos, na nakatuon sa performance.

Bagama't marami ang naglingkod nang may dedikasyon at propesyonalismo, kinakailangan ng nagbabagong pangangailangan ng bansa ang panibagong paghahanay, mas mabilis na pagpapatupad, at kaisipang una muna ang resulta, ayon sa Pangulo.

Sa gitna nito, sinabi ng PCO na hindi naman titigil ang mga serbisyo ng gobyerno samantalang gagabayan ng katatagan, katuluyan, at meritokrasya ang pagbuo ng kaniyang leadership team.

'Disappointed'

Lumabas ang pahayag ni Marcos matapos niyang sabihin noong Lunes na ipinakikita ng mga resulta ng Eleksyon 2025 na ang mga tao ay "tired of politics and they are disappointed with the government."

"Disappointed ang tao sa serbisyo ng gobyerno. Hindi nila nararamdaman at masyadong mabagal ang galaw nang pagbubuo ng mga project na hindi pa nila maramdaman,'' sabi ni Marcos sa isang podcast kasama ang broadcaster na si Anthony Taberna.

Sa 12 na bagong halal na senador sa Eleksyon 2025, anim ang inendoso ni Marcos sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

Ito ay sina Senators-elect Erwin Tulfo, Panfilo “Ping” Lacson, Vicente “Tito” Sotto III, Pia Cayetano, Camille Villar, at Lito Lapid.

Noong weekend, sinabi ni Marcos na sana ay nagkaroon pa ng mas magandang resulta ang administrasyon sa Eleksyon 2025.

Ilang oras pagkatapos ng utos ni Marcos, ilang Cabinet secretary ang nagsumite na ng kanilang courtesy resignation, kabilang na si Executive Secretary Lucas Bersamin.

"Upon your acceptance, the undersigned will immediately begin the process of turning over in an orderly manner all the matters pending in my office," sabi ni Bersamin sa kaniyang sulat.

"It has been an honor to be a member of your Cabinet, Mr. President. I will continue to serve the Filipino people alongside you towards a Bagong Pilipinas," dagdag ni Bersamin.

Nagsumite na rin ng kanilang courtesy resignation sina Finance Secretary Ralph Recto, Transportation Secretary Vince Dizon, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Education Secretary Sonny Angara, Energy Secretary Raphael Lotilla, at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.

'Bold action'

Ilang senador din ang sumuporta sa desisyon ni Marcos at tinawag itong isang "bold move."

Sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III na isa itong "great move" ni Marcos, na magbibigay-daan sa kaniya para ma-“regroup his team while sparing those to be affected from intrigues.”

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na wala siyang nakikitang mali sa desisyon ni Marcos, lalo na kung ito ay “in pursuit of assembling a leadership team that can deliver efficient, accountable, and responsive governance.”

Inilarawan din ni Sotto ang utos ni Marcos bilang isang "venturesomely bold action."

Ayon kay Lacson, bukod sa panawagan para sa courtesy resignation ng kaniyang mga miyembro ng gabinete, dapat ding gamitin ng Pangulo ang kaniyang "persuasive" powers sa Kongreso, partikular sa House of Representatives, bago ang 2026 national budget deliberations. — VBL, GMA Integrated News