Nasawi ang isang 30-anyos na babae matapos siyang barilin sa likod ng riding-in-tandem habang nakikipag-inuman sa gilid ng daan sa Sampaloc, Maynila. Inaalam ng pulisya kung babae ang angkas na bumaril sa biktima.Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente dakong 11:00 pm nitong Huwebes, at ilang metro lang ang layo sa barangay hall ng Barangay 425.Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na kasama sa inuman sa gilid ng daan at nakatalikod ang puwesto. Nang dumaan ang mga salarin sa kaniyang likuran sakay ng motorsiklo, binaril siya ng nakaangkas at saka tumakas.Bumulagta ang biktima, habang hinabol naman ng tanod na live-in partner niya ang mga salarin, kasama ang isa pang tanod.Ayon sa saksi, muling nagpaputok ang mga salarin habang tumatakas at tinamaan sa tuhod ang live-in partner ng biktima, habang nadaplisan sa dibdib ang isa pa.Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima, na ayon sa opisyal ng barangay ay nagtamo ng tama ng bala sa batok.Mayroon umanong may birthday na residente kaya may handaan sa gilid ng daan.Blangko ang barangay sa posibleng motibo sa krimen at wala naman sa drug watch list ang biktima.Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.Kabilang sa inaalam ng mga awtoridad ay kung babae ang angkas na bumaril sa biktima, at kung love triangle ang motibo sa krimen.Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matunton ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News