Inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Biyernes ang ilang inisyal na pagbabago sa mga mamumuno sa iba't ibang kagawaran matapos hiliningin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibitiw ng kaniyang mga kalihim.

Hanggang nitong Biyernes ng hapon, may 52 opisyal na umano ang nagsumite ng kanilang courtesy resignation, ayon kay Bersamin sa Palace press conference.

Ayon kay Bersamin, aalisin si Secretary Raphael Lotilla sa Department of Energy para ilipat sa Department of Environment and Natural Resources.

Papalitan ni Lotilla sa DENR si Ma. Antonia Yulo Loyzaga, na tinawag ni Bersamin na ''underperformance.''

''Si Secretary Loyzaga, walang issue ng corruption diyan, maybe there's just a perception, I don't know how fair or unfair that perception is na mas malimit siya sa labas ng bansa. 'Yun ang recurring na pinapadating sa amin,'' paliwanag ni Bersamin.

''Ngunit huwag na natin siyang husgahan, whether inefficiency 'yan o hindi, that's not for us to do but the evaluation showed that it was time to have her rest muna,'' dagdag niya. ''Underperform siguro ang tawag diyan. Kasi kung may expectation ang Presidente, you do not perform, ang messaging is underperformance is not going to be allowed.''

Samantala, pansamantalang pamumunuan ni Undersecretary Sharon Garin ang DOE na iiwan ni Lotilla.

Aalisin naman si Secretary Jose Acuzar sa Department of Human Settlements and Urban Development, at ililipat bilang Presidential Adviser for Pasig River Development.

Ayon kay Bersamin, bigo si Acuzar na matupad ang target nito na one million housing units per year.

'''Yung kay Secretary Acuzar, hindi mo rin masabing corruption 'yan, hindi mo rin masabing underdelivery... Napakataas 'yung nilagay niyang standard niya when he accepted the job but you know, he was very efficient in the private sector and the President expected na makapagdeliver siya. Pero I don't know if he set his standards too high for himself dahil one million housing units a year, there may have been obstacles in his way which were beyond his control and beyond the control of the government,'' anang opisyal.

Sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Project, target nitong makalikha ng one million housing units bawat taon, hanggang 2028 para matugunan ang housing backlog sa Pilipinas.

Pero inamin ni Acuzar na mahirap makamit ang kabuuang target na anim na milyong housing units hanggang 2028.

Inalis din sa kaniyang puwesto bilang kalihim ng Foreign Affairs si Enrique Manalo, para italaga bilang Permanent Representative to the United Nations.

Si Undersecretary Tess Lazaro ang hahalili kay Manalo sa DFA.

Papalitan naman ni Manalo bilang kinatawan ng bansa sa UN si Antonio Manuel Lagdameo, na magreretiro sa July.

Hindi ginalaw

Ayon kay Bersamin, mananatili siya sa kaniyang posisyon matapos na hindi tanggapin ni Marcos ang kaniyang pagbibitiw.

Hindi rin gagalawin ang economic team ni Marcos na kinabibilangan nina Trade Secretary Cristina Roque; Finance Secretary Ralph Recto; Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio Balisacan; Budget Secretary Amenah Pangandaman, at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.

Inihayag din ni Bersamin na posibleng may mga bagong italaga sa Gabinete sa gagawing balasahan ni Marcos.

Mayroon umanong komite na sumusuri sa performance ng mga kalihim, pero na kay Marcos ang huling desisyon kung sino ang aalisin at hindi.

Isinagawa ang pagbalasa sa Gabinete matapos ang mid-term election na anim lang sa 12 kandidatong senador ng administrasyon ang nanalo. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News