Sa pagtatapos ng Open Government Week 2025, muling pinagtibay ng pamahalaan ang pangako nito sa bukas, tapat, at makataong pamamahala sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos kasama ang pribadong sektor at mga civil society organization (CSO).

Pinangunahan ng Department of Budget and Management (DBM), sa pamumuno ni Secretary Amenah F. Pangandaman, ang selebrasyon ng Open Gov Week na ginanap mula Mayo 19 hanggang 23. 

Sa kanyang mensahe, inilahad ni Pangandaman ang mahahalagang tagumpay ng Pilipinas sa pagsusulong ng transparency, accountability, at citizen participation sa pamahalaan.

Mga tagumpay sa transparency at digital governance

Ipinagmalaki ng DBM na muling nakamit ng Pilipinas ang pagkilala bilang pinaka-transparent na bansa sa Asya sa larangan ng pananalapi, ayon sa pinakahuling Open Budget Survey.

“We are proud that the Philippines has not only cemented its position as the most fiscally transparent country in Asia based on the latest Open Budget Survey but has also drastically improved its standing in the World Press Freedom Index 2025," ani Pangandaman.

 

 

Kasabay nito, malaki rin aniya ang ibinaba ng bansa sa World Press Freedom Index 2025 — patunay ng lumalawak na espasyo para sa malayang pamamahayag.

Sa kabila nito, iginiit ng kalihim na nananatiling hamon ang kawalan ng batas na magtataguyod sa konstitusyonal na karapatan ng mamamayan sa impormasyon. Hinikayat niya ang mga mambabatas at mga stakeholder na palakasin pa ang panawagan para sa pagpasa ng batas sa right of access to information sa ika-20 na Kongreso.

“However, the fact remains that we have yet to pass an enabling law that will truly uphold people's constitutional right to information. This is why I am calling on everyone present here tonight to make our clamor for the passage of a law on right of access to information in the 20th Congress even louder and clearer!" dagdag ni Pangandaman.

 

 

 

 

Pagpapalalim ng partisipasyon ng mamamayan

Isa sa mga tampok ngayong taon ay ang kauna-unahang dayalogo sa pagitan ng mga CSO at economic managers ng bansa — isang mungkahi mula sa CSOs sa Open Government Partnership (OGP) Asia-Pacific Regional Meeting noong Pebrero. 

Ayon sa DBM, ito ay mahalagang hakbang upang matiyak na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng taumbayan ang mga macroeconomic at fiscal policy ng bansa.

Panibagong batas at reperma sa procurement

Binanggit din ni Pangandaman ang isa sa pinakamalaking tagumpay ng administrasyon: ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act. 

Tinagurian itong pinakamalaking anti-corruption law sa kasaysayan ng bansa at kinilala rin sa OGP Leaders’ Roundtable sa UN General Assembly sa New York.

Pagsusulong ng OGP sa rehiyon

Ipinahayag din ng kalihim ang tagumpay ng Pilipinas sa pagdaraos ng OGP Asia-Pacific Regional Meeting, kung saan mahigit 1,000 repormista mula sa 40 bansa ang lumahok. Bilang kasalukuyang miyembro at lead ng Programmatic Delivery Subcommittee ng OGP Global Steering Committee, patuloy na nangunguna ang Pilipinas sa pagsusulong ng reporma sa rehiyonal at pandaigdigang antas.

Digital innovation sa gobyerno

Tampok din sa selebrasyon ang pagpirma ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng DBM at University of the Philippines - NOAH para sa Project 9: Digital Information for Monitoring and Evaluation. Layunin ng proyektong ito na higit pang gawing epektibo at transparent ang paggamit ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng digital platforms.

Bilang bahagi ng Public Financial Management Reforms Roadmap 2024–2028, target ng pamahalaan ang ganap na pagpapatupad ng Integrated Financial Management Information System sa lahat ng ahensiya upang matiyak na bawat pisong gastusin ay planado, wasto, at may pananagutan.

Patuloy na pagkilos

Sa huli, tiniyak ni Pangandaman na ang bukas na pamahalaan ay hindi lamang isang pangako kundi isang aktwal na prinsipyo na gumagabay sa mga polisiya, programa, at reporma ng pamahalaan. —KG, GMA Integrated News