Patay ang isang lalaki matapos makagat ng asong may rabies noong Agosto 2024.Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, nakuhanan ng kinakasama ng 31-anyos na biktimang si Janelo Limbing ang kaniyang mga huling sandali habang nakatali sa kama ng isang ospital.“Sabi ko sa kaniya, lumaban ka kasi manganganak na ako eh. Pinipilit niya pang gumanon, tumingin po sa akin. Nasigaw niya pa po yung ‘I love you’,” sabi ni Eva Peñalba, kinakasama ni Janelo, isang factory worker sa Laguna.Ayon sa salaysay ni Eva, nakagat si Janelo ng isang asong nakatali sa labas ng bahay ng kaniyang kapatid noong Agosto 2024. Pinatay daw agad ang aso matapos ito maulol.Nagpabakuna raw agad si Janelo, ngunit hindi nabuo ang kaniyang kinakailangang anti-rabies shots.Ani ni Eva, maaari raw na namahalan si Janelo sa presyong P2,500 para sa unang bakuna niya mula sa isang pribadong animal bite center.“Finollow up ko po naman po na next schedule mo na…Busy nga raw po, sayang naman daw po yung kikitain niya,” sabi ni Eva.Nag-umpisang lagnatin si Janelo noong May 15, at nakaranas ng kahirapan sa paghinga at tila nalulunod kapag nainom ng tubig.“Akala ko po sir, dahil lang po sa paninigarilyo niya, yung pagve-vape lang… Pag inom niya po gano'n, as in po parang nalulunod sa dagat… Pag dating po namin sa ospital po ng Cabuyao, may nakita po siyang malaking electric fan, malakas po nung hangin, balot na balot naman po siya, naka-jacket, naka-bonnet. Sabi niya, yung electric fan, alisin niyo. Tapos tumakbo po siya sa labas,” kuwento ni Eva.“Sinabihan na po kami na i-re-refer daw po kami sa ospital po ng RITM sa Alabang, sa Muntinlupa. In-explain po nila na 48 hours na lang daw po yung itatagal [ng buhay niya],” dagdag pa niya.Sa mga huling sandali niya, nagawa pa ni Janelo gumawa ng mga video upang magpaalam at mag-iwan ng huling habilin para sa kaniyang mga anak.Pumanaw si Janelo noong May 18, at kinailangan i-cremate dahil hindi siya maaaring i-embalsamo dahil sa rabies sa kaniyang katawan.Sa kaniyang pagpanaw, naulila ni Janelo ang kaniyang mga anak na babae at may habilin siya na isapubliko ang nangyari sa kaniya.Humihingi naman ng tulong si Eva upang mabayaran ang kaniyang P25,000 na utang sa punenarya at pampalibing sa kaniyang asawa. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA Integrated News