Sugatan ang anak at pamangkin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada matapos umanong atakihan mula sa likod ng tatlong residente sa Boracay nitong madaling araw ng Sabado.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing batay sa inilabas na pahayag ni Estrada, nagbabakasyon sa Boracay at pauwi na galing sa bar ang anak niyang si Julian Ejercito at pamangkin na si Jefferelly Vitug, nang mangyari ang pag-atake.

Isa umano sa mga suspek ang nagsabi sa kaniyang pamangkin na, "Masyado kang maangas."

Ayon kay Estrada, walang komprontasyon sa mga biktima at suspek na nangyari sa loob ng bar.

Kahit bumagsak na si Julian, pinagsisipa pa rin umano ng suspek.

Nagtungo si Estrada sa Boracay nitong Sabado rin at nagsampa ng kaso laban sa tatlong suspek.

"Bilang ama at tiyuhin, hindi maiiwasan na labis akong mag-alala nang makarating sa akin ang masamang balita. Kaya’t dali-dali akong pumunta para alamin ang nangyari at kalagayan nila," ayon sa senador.

"No parent or relative ever wants to hear that their loved ones have been victims of such a senseless act in a place that should be a friendly community and a source of relaxation," dagdag niya.

"While charges have already been filed against the suspects, I trust that the proper authorities will investigate this case thoroughly and ensure that justice is served," sabi pa ni Estrada.

"My family and I are grateful that our loved ones are safe now, but we hope incidents like this serve as a reminder of the need to create a safer environment for everyone," pahayag pa ng senador. —FRJ, GMA Integrated News