Binalewala ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang hirit ng kaniyang mga kritiko na siya ang dapat magbitiw matapos niyang hingin ang pagbibitiw ng mga miyembro ng kaniyang Gabinete at pinuno ng ilang ahensiya.

''I will resign? Bakit ko gagawin 'yon? Wala sa ugali ko ang tinatakbuhan ang problema,'' pahayag ni Marcos sa mga mamamahayag nitong Martes.

“So, what good will that do?” dagdag ni Marcos.

Nitong nakaraang linggo, hiningi ni Marcos ang pagbibitiw ng mga miyembro ng kaniyang Gabinete para ma-“recalibrate” ang kaniyang administrasyon matapos ang resulta ng midterm election na anim lang sa 12 kandidatong senador ng administrasyon ang nanalo.

Kabilang si Executive Secretary Lucas Bersamin sa mga hindi tinanggap ni Marcos ang pagbibitiw at mananatili sa puwesto.

Hindi rin ginalaw ng pangulo ang kaniyang "economic" team na kinabibilangan nina Finance Secretary Ralph Recto, Trade Secretary Ma. Cristina A. Roque, Economic Planning and Development Secretary Arsenio M. Balisacan, Budget Secretary Amenah F. Pangandaman, at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.

“Itong lima na ito ay magpapatuloy sa kanilang panunungkulan, paninilbihan sa taumbayan at makakaasa kayo na sila naman ay sinsero o dedicated sa kanilang sinumpaang katungkulan,” pag-anunsyo ni Bersamin.

Ayon kay Marcos, masusing sinusuri ang naging trabaho ng mga opisyal na naghain ng kanilang pagbibitiw kung dapat ba silang manatili sa puwesto o hindi na.  — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News