Makalipas ang halos sampung taon, naaresto na nitong Sabado ang ikatlo sa apat na akusado sa pagpatay ng isang pulis sa Maynila noong 2015.

Inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang suspek sa bisa ng arrest warrant habang siya ay nag-aayos ng motorsiklo sa bahagi ng Moriones Street sa Maynila.

Matagal daw siyang nagtago sa kamay ng batas.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nahaharap ang akusado at tatlong iba pa sa kasong pagpatay kay Police Officer 3 Ronald Leonardo noong Hunyo 19, 2015. 

Naka-assign noon si Leonardo bilang operatiba ng follow-up section ng MPD na tinatawag noon na Anti-Crime Unit. Tinatrabaho raw ng biktima ang grupo ng mga akusado na sangkot sa serye ng holdapan noon.

Pero inunahan siya ng mga ito at inabangan sa kanto ng Barangay 123 kung saan pauwi na sana ang biktima at katatapos lang magparada ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang insidente.

“Binaril po siya sa dibdib pero base po du'n sa research and investigation, nakalaban po siya. Pero sa kasamaang palad, talaga pong fatal po 'yung tama niya," ani Police Lieutenant Colonel Christopher Baybayan, station commander ng MPD-2.

“Bukod po sa panghoholdap, involved din po sila sa drugs, at ganu'n din po sa mga nakawan, sa theft and robbery," dagdag niya.

Ayon sa MPD, una nang nahuli noong 2017 ang dalawa sa apat na akusado, kabilang ang isa sa umano'y dalawang gunman.

Sa presinto, hindi na napigilan ng kaanak ni Leonardo na magalit at maging emosyonal nang makita niya ang akusado.

Nagpapasalamat naman sa MPD ang kaanak ng biktima. Nanawagan din siya sa sinumang nakakakilala sa panghuling akusado na sinasabing lider ng grupo, na tumulong sa mga awtoridad para madakip ito.

 

"Alyas Michael Flores po siya. Ito po 'yung picture sa phone ko. Eto po," ani kaanak ng biktima.

Itinanggi naman ng arestadong akusado na sangkot siya sa krimen at itinuro niya ang umano'y mastermind na sinasabi niyang si "Michael Flores."

Mananatili sa kustodiya ng Moriones Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte. —KG, GMA Integrated News