Inaresto ng mga awtoridad sa Timor-Leste si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo "Arnie" Teves Jr., kung saan siya humihiling ng asylum. Si Teves ang itinuturong utak umano sa pagmasaker kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong March 4, 2023 sa Pamplona, Negros Oriental.
Sa Facebook post ng anak ni Teves na si Axl kaninang umaga ng Miyerkules, sinabing dinakip ng mga immigration officers sa Timor-Leste ang kaniyang ama.
Wala umanong ipinakitang arrest warrant o anumang dokumento ang mga dumakip sa dating kongresista.
Sa ulat ng local media na hatutan.com, sinabing dinakip si Teves at isinailalim sa kustodiya ng Timor-Leste immigration police.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay kay Degamo at siyam na iba pa sa bahay ng dating gobernador noong March 4, 2023.
Itinanggi ni Teves ang naturang paratang, at wala sa Pilipinas nang mangyari ang krimen.
Hindi na siya bumalik sa Pilipinas, at nag-apply na ng asylum sa Timor-Leste.
Kaugnay naman sa pagkakaaresto kay Teves, naghain ng habeas corpus petition ang kaniyang kampo, ayon sa abogado niyang si Atty. Ferdinand Topacio.
Sinabi ni Topacio na dinakip ng Immigration police ang kaniyang kliyente noong Martes ng gabi nang walang arrest warrant. Nakatedine umano si Teves sa Ministry of Interior ng Timor-Leste.
"Kung iga-grant po 'yung writ, dadalhin po sa hukuman si Ginoong Teves at doon po ay kailangang makumbinsi ng mga authorities na umaresto kay Ginoong Teves kung bakit siya inaresto… at kung siya ay ide-deport, what will be the basis for his deportation," paliwanag ni Topacio sa online briefing.
Sinabi rin ni Topacio na nauna nang tinanggihan ng korte ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas noong Marso.
"The basis for the denial are three. Number one, that there is great danger to his life and him. Number two, that he may be forced to undergo torture and other inhuman punishment. And number three, maaaring mag-undergo siya ng mga proceedings na maaaring magdulot ng injustice sa kanya,” sabi ni Topacio.
Bagaman gumagawa umano sila ng paraan upang hindi mapauwi ng Pilipinas si Teves, sinabi ni Topacio na handa ang kanilang kampo kung ibalik man sa bansa ang dating mambabatas.
"We have always been prepared. What will happen if he is repatriated is that the courts where there are pending charges against him will acquire jurisdiction over him, and then we will defend him as his defense attorneys to the best of our ability," ani Topacio.
"And we are confident that with the recantations of all the witnesses against him that the government has a very weak case. So we are ready. Anytime,"dagdag niya.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
