May nakitang mga personal na gamit sa loob ng imburnal kung saan may lumabas na misteryosong tao sa Legazpi Village, Makati City nitong Martes.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng Makati City Police na posibleng matagal nang naninirahan sa loob ng imburnal ang lumabas na tao na pinaniniwalaan na isang babae.

Hinahanap na siya ng mga awtoridad na pinaniniwalaan din na kailangan din ng atensyong medikal.

Una rito, sinabi ng Department of Social Welfare and Development na gumagawa rin sila ng hakbang para mahanap ang naturang tao upang matulungan nila.

Nitong Martes, nagulantang ang mga tao at motorista sa panulukan ng Rufino Street at Adelentado Street sa Legazpi Village, Makati, nang biglang lumabas sa imburnal ang naturang tao.

Kaagad din siyang tumakbo nang habulin ng mga security guard. -- FRJ, GMA Integrated News