Isang insidente ng road rage ang nahuli-cam sa Macapagal Avenue sa Pasay kung saan hinampas umano ng baseball bat ng babaeng sakay ng SUV ang salamin sa pinto ng nakagitgitan nito sa daan na pampasaherong bus.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente dakong 9:00 am nitong Martes, nang makagitgitan ng SUV na sinasakyan ng babae, at ang isang Gel Transport bus.
Ang nakakuha ng video sa insidente, ang konduktor ng isa pang Gel Transport bus na nakabuntot sa dalawang sasakyan.
"Ki-nut [cut] na po ng private car itong kasamahan namin. Bago bumaba po si ma'am, na yung may-ari nga po ng private car, may hawak po siyang tumbler, napukpok na po yung harap ng salamin ng kasama namin. Salamin ng bus ng kasamahan namin," kuwento ng konduktor.
Pero bumalik umano ang babae na may hawak nang baseball bat dahil sa pag-aakalang tumatawa umano ang kasamahan nila.
"Bumalik si ma'am, parang medyo nagkaka... kasi may parang nai-speak na kala ko, tinatawa na pa ng kasamahan namin. Mas lalo na galit tong si ma'am, kumuha po ng parang matigas na bagay, na parang baseball bat. Doon po nangyari, doon na po yung actual na... nung pagkakuha po na, doon ko po na sakto na video po yung pangyayari na 'yun," dagdag pa niya.
Madidinig din sa video na nagsalita ang babae na muntik na silang patayin ng bus, at sinabing balasubas magmaneho ang driver ng bus dahil hindi sila ang may-ari ng bus, na ikinatwiran ng konduktor.
Pero sabi ng uploader, "Sabi nila papatay na kami. Wala masigurong ganon nangyari kasi isa pa, wala naman sabit yung sasakyan nila."
"Siyempre, takot nila ba mga driver namin sa mga ganyang aksidente. Ganon nung iniiwasan ang mga driver namin dito. Kung may kasalanan po yung kasamahan namin, yun ay talagang matik na dapat sinumbong na lang po nila sa enforcer," dagdag niya.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang babae. Samantalang sinabi ng pamunuan ng Gel Transport na nagkaroon na sila ng pag-uusap ng nakasakay sa SUV.-- FRJ, GMA Integrated News
