Dahil halos dalawang linggo na lang ang nalalabi sa 19th Congress, inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nasa mga senador na uupo sa papalit na 20th Congress ang huling desisyon tungkol sa pagiging kapalaran ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ngayong Lunes, June 2, muling nagpatuloy ang 19th Congress matapos ang bakasyon dahil sa idinaos na eleksyon nitong May 12. Pero mayroon na lang itong anim na plenary sessions bago mag-adjourn o matapos ang 19th Congress sa June 13.
Papalit naman ang 20th Congress sa July 28, sa araw ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) of President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Sa pagkakataong ito, uupo na ang 12 senador na nananalo noong May elections, kasama ang natirang 12 senador.
Ayon kay Escudero, ang mga senador sa 20th Congress ang siyang hahawak sa magiging paglilitis kapag naging impeachment court na ang Senado. Dito, magdedesisyon ang mga senador kung ano dapat gawin sa impeachment case ng Kamara de Representantes laban kay Duterte.
“Puwedeng pagbotohan ‘yun ng plenaryo ng 19th Congress pero anuman ang desisyon namin, hindi puwede i-bind ‘yung 20th Congress. So puwedeng magkaroon ng ibang pananaw ‘yung 20th Congress. Halimbawa, puwedeng sabihin ng 19th Congress, tatawid ‘yan pero ang pasya ng 20th Congress, hindi tatawid ‘yan at idi-dismiss nila, so depende,” paliwanag ni Escudero.
“Sa dulo, you have to understand in Congress, plenary is supreme. It’s not the decision or the voice of one member even if he or she is the Senate President or an officer of the Senate or the House. Desisyon palagi ng plenaryo ang mangingibabaw sa anumang usapin,” dagdag pa niya.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ni Escudero na sa halip na ngayong Lunes gawin ang pagbasa sa articles of impeachment laban kay Duterte, iniurong ito sa June 11, para umano mabigyan ng prayoridad ang iba pang panukalang batas na kailangan nilang ipasa.
Lima sa mga nanalong senador (Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, at Camille Villar), na uupo sa 20th Congress ang inindorso ng PDP-Laban, na pinamumunuan ng ama VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanawagan si Escudero sa mga senador na magiging hukom, na maging impartial o walang kikilingan sa gagawing pagdinig sa impeachment case.
“Desisyon at pasya nila ‘yon hindi para sa akin na husgahan ‘yon. Pero nakalagay sa aming rules hangga’t maaari ay maging impartial sana ang bawat senator-judge hangga’t hindi pa naririnig 'yung kaso mismo. Maging ganun pa man ang pag-inhibit ay voluntary decision sa parte ng sinumang hukom. Hindi ito pinagbobotohan ng mga miyembro ng hukom mismo,” pahayag niya.
Kumpiyansa si Escudero na magsisimula ang impeachment trial sa July 30.
Romualdez: Nasa kamay na ng Senado
Aminado naman si House Speaker Martin Romualdez na nasa kamay na ng mga senador ang impeachment case na isinampa nila laban kay VP Duterte.
“The Senate President’s letter to me is pretty straightforward. Kaya ‘yung impeachment complaint ay nasa Senado na. So we leave it to their sound discretion as to how they want to proceed and conduct [the impeachment trial],” sabi ni Romualdez sa mga mamamahayag.
"The Senate President outlined the priority measures that they would like to prioritize first, so we have to respect the decision of the Senate President,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News

