Timbog ang dalawang menor de edad matapos nakawin umano ang mga plaka sa mga sasakyang nakaparada sa isang bakanteng lote sa Tondo, Maynila. Ang dalawa, nasangkot na rin umano dati sa pagnanakaw naman ng baterya ng sasakyan.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Martes, makikita ang maraming plaka ng sasakyan na narekober ng mga awtoridad matapos nakawin ng mga binatilyong edad 15 at 16.
Ibinenta umano ang mga plaka sa halagang P8,000.

Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen pasado 2 a.m. ng Lunes sa kasagsagan ng malakas ang ulan, na sinamantala ng mga binatilyo

Nagsagawa ng follow-up operation ang Manila Police District at agad nakilala ang mga menor de edad.

Natuklasang marami nang record sa barangay ang dalawa dahil sa serye ng pagnanakaw.

“Actually noong mga nakaraang linggo ay nasangkot na naman itong dalawang minors na ito ng pagnanakaw ng isang baterya ng sasakyan. Hindi lang tinuluyan po ng may-ari po ng sasakyan dahil po naawa po siya sa mga bata,” sabi ni Police Major Hanz Jose, OIC ng Abad Santos Police Station ng MPD 7.

Dinakip din ang may-ari ng junk shop dahil sa paglabag nito sa anti-fencing law.

Hindi naman nakitaan ng indikasyon na posibleng gamitin ang mga plaka upang makaiwas sa no-contact apprehension policy o NCAP dahil nakatupi na ang mga ito nang ibenta sa junk shop.

Problema sa mga may-ari ng sasakyan kung paano sila lalabas ng kalsada ngayong gumagana ang No Contact Apprehension Policy o NCAP.

Hindi bababa sa 12 sasakyan sa parking lot ang nanakawan ng plaka.

Kahit nabawi ang mga plaka, hindi na ito mapakikinabangan ng mga may-ari ng sasakyan dahil bukod sa sira na ang mga ito, gagamitin din itong ebidensya sa kaso.

Nasa kustodiya na ng Tayuman PCP ang may-ari ng junk shop na sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag.

Nasa Women's Section naman ng Abad Santos Police Station ang dalawang binatilyo. Kasalukuyang hinihintay ang resulta ng kanilang dental aging test upang masiguro na menor de edad ang dalawa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News