Nakabilanggo na ang dalawa sa apat na nasa likod ng pagtangay sa isang nakaparadang motorsiklo sa harap ng computer shop sa Barangay 93, Caloocan City nitong Mayo.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing Mayo 20 nang mahuli-cam ang pagnanakaw sa nakaparada noong motorsiklo, na isinakay sa puting van.
Nagkasa ng follow-up operation ang Caloocan Police at nakilala ang mga suspek na mga edad 21 at 24 at nakakulong na sa Santa Maria Municipal Police Station sa Bulacan nang mahuli noong Mayo 28.
Ayon kay Police Major Edward Samonte ng Caloocan City Police Station Investigation and Detection Management Section, may kinakaharap na kasong carnapping ang mga suspek sa Regional Trial Court Branch 33 ng Maynila.
Positibo rin silang tinukoy ng saksi sa insidente.
Sasampahan ang dalawa ng panibagong reklamong paglabag sa new anti-carnapping law.
Sinusubukan pa na ng GMA Integrated News na makuha ang kanilang pahayag.
Nagpapatuloy ang pagtugis sa dalawa pa nilang kasabwat na kapwa menor de edad, ayon sa pulisya.
Ilang beses na umanong nambiktima ang grupo sa Metro Manila.
“Sa alanganing oras, nag-iikot-ikot sila dito sa area ng Quezon City, Manila at Caloocan. So, kapag may nakita sila na unattended na motorcycle, agad nila itong tatabihan at isasakay ng apat na kalalakihan. Afterwards ito ay ibinibenta naman nila online, may group chat sila. Meron silang mga buyer na allegedly mga taga-norte,” sabi ni Samonte.
Natunton sa bayan ng Moncada sa Tarlac ang ninakaw na motorsiklo sa pinagsanib na puwersa ng Caloocan Police at Northern Highway Patrol Team ng PNP-HPG.
Nadakip ang magkapatid na edad 22 at 24 na bumili nito. Ayon sa dalawa, hindi nila alam na nakaw ang motorsiklo na nakita lang nilang ibinibenta online.
“Nag-offer lang po siya sa amin tapos binili po namin sir, P30K po,” sabi ng isa sa mga suspek.
“Sir, nabili ko lang po ‘yung motor, sir,” sabi ng isa pang suspek.
Nahaharap ang dalawang lalaki sa reklamong paglabag sa anti-fencing law. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
