Maging maingat sa pagpapaayos ng nasirang cellphone lalo na kung may mga sensitibo o pribadong mga larawan at video rito. Sa Pampanga, isang 17-anyos na babae ang nabiktima ng "sextortion," at naaresto naman ng mga pulis ang suspek na nanakot sa dalagita na ipakakalat ang mga maselang larawan at video nito kapag hindi nakipagtalik sa kaniya.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, makikita na pinasok ng mga pulis ang isang kuwarto sa isang hotel sa Arayat, Pampanga para arestuhin ang 26-anyos na suspek.

Nakatakip na lang ng tuwalya ang suspek nang abutin ng mga pulis na hinihintay na umano noon ang dalagita.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ipinaayos ng dalagita sa suspek ang kaniyang cellphone noong 2024 at doon nakita ang mga sensitibo niyang video at larawan.

Hanggang sa nakatanggap na ng mensahe kamakailan ang biktima na nagbabantang ikakalat ang mga maseselan niyang larawan at biktima kung hindi papayag sa gusto nito na makipagtalik sa kaniya.

Ayon pa sa pulisya, sa takot ng biktima, pumayag ang dalagita sa gusto ng suspek. Habang nakikipagtalik, nakatakip umano ang mukha ng suspek habang walang takip ang mukha ng biktima na kinuhanan din ng lalaki ng video at larawan.

Pero muli umanong nanakot ang suspek at nag-aya kaya nagsumbong na ang biktima sa kaniyang ina, at nagpatulong na sila sa pulisya para maaresto ang suspek.

Napag-alaman na nagtatrabaho sa IT section ng isang pribadong ospital ang suspek, suma-sideline bilang cellphone technician kung saan nagpagawa ng kaniyang nasirang cellphone ang biktima.

Natuklasan din ng pulisya na may dalawa pang nabiktima ang suspek, na sinusubukapan pang makuhanan ng pahayag.

Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News