Matapos ang 9 na taong pagtatago sa mga kaso sa Benguet Province, sa Taytay, Rizal naaresto ang 42-anyos na babaeng kabilang sa "most wanted persons list" ng Benguet.
Ayon sa pulisya, ang akusado ay miyembro ng grupo na nagpapanggap na recruitment agency.
Noong Nobyembre hanggang Disyembre ng 2016 nang maloko umano niya ang mga aplikante na kaniyang pinangakuan ng trabaho sa New Zealand.
Lima raw ang nagsampa ng reklamo laban sa akusado.
Ayon kay PCol Felipe B. Maraggun, Provincial Director, Rizal Provincial Police Office, “Naloko niya yung limang complainant and yun nga nag-promise siya na bibigyan sila ng trabaho sa New Zealand as dairy farm workers pero hindi natupad lahat yun. At ang masaklap nito, wala pa silang lisensiya sa Philippine Overseas Employment Administration.”
Malaking halaga raw ng pera ang nakuha ng akusado mula sa mga aplikante.
Ayon sa pulisya, abot ito sa daan-daang libong piso.
Walang pahayag ang akusado na na-i-turn over na ng Taytay Police sa criminal investigation and detection group ng Kalinga.
Nahaharap siya sa kasong estafa at large-scale illegal recruitment. —VAL, GMA Integrated News
