Isang motorista ang 309 beses na nahuling ilegal na dumaan sa EDSA Busway, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ang kaniyang multa, maaaring umabot sa P150,000.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Saksi nitong Miyerkoles, mapanonood sa kuha ng camera ng MMDA ang paulit-ulit na pagdaan ng sasakyan sa EDSA Busway.

“Simula po August last year hanggang sa nung Friday (June 13), isang sasakyan, 309 times siya pumasok sa EDSA Busway,'' sabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes. 

''Irereklamo na po namin siya sa LTO (Land Transportation Office) for suspension ng lisensya or kung ano pa pong penalty ang puwede pong ipatawa sa kaniya ng LTO aside from the fines and penalty.''

Ayon pa kay Artes, ginagawa ng motorista ang mga paglabag tuwing gabi kung kailan madilim at wala nang traffic enforcer.

Ipinakita ito ng ahensiya upang bigyang-diin ang kahalagahan ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) para madisiplina ang mga motorista kahit walang traffic enforcer sa kalsada.

Pinag-aaralan ng MMDA na i-endorso sa Metro Manila Council na sa halip na pera ang ibayad ng mga NCAP violators bilang multa, gumawa na lamang sila ng community service.

“Sinasabi po kasi na negosyo po itong NCAP, hindi po. Ito po ay para disiplinahin ang tao, bantayan ang kalsada. Tama-tama po, may mga programa kami regarding paglilinis ng estero at kanal para po malabanan ang pagbaha, maalis ‘yung mga basura,” sabi ni Artes.

Pinaboran naman ito ng ilang motorista sa kalsada.

“Nakatulong na tayo sa mga bumabahang kalsada, nalinis na natin. Hindi pa tayo nagbayad du’n sa penalty ng NCAP,” sabi ng TNVS driver na si Willy Harina.

“Oo naman po, kaysa magbayad ng gano’ng kalaki kasi sa kinikita po namin sa minimum, kapos pa po ‘yung sa mga bayarin,” ayon sa motoristang si Christian Cabawatan.

“Magbayad na lang po. Para mas mabilis po ‘yung proseso. Okay din naman po para po ‘yung iba na walang dala pambayad,” sabi naman ni Paul Dequina, motorista. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News