Nahuli-cam ang pagtilapon ng isang motorcycle rider at kaniyang angkas matapos silang mabangga ng isa pang motorsiklong minamaneho ng isang menor de edad sa Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood na pahinto na sana ang magka-angkas sa motorsiklo sa bahagi ng Banlat Road pasado 10:30 p.m. ng Miyerkoles.
Ilang saglit pa, biglang sumulpot ang isa pang motorsiklo na mabilis ang takbo at nasagi sila. Tumilapon ang mga biktima habang tumakas ang mga nakabangga.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikitang kumanan sa Upper Banlat Road ang mga nakabangga, na sandaling tumigil bago nagpatuloy sa pagtakas at dumiretso papunta sa Australia Street.
Batay sa pulisya, nagkagasgas sa kamay ang lalaking motorcycle taxi rider habang iniinda ng babaeng pasahero ang pananakit ng katawan.
“Ayon sa ating babaeng biktima na pasahero ng isang motorcycle taxi rider, habang papagilid at pababa na malapit sa kaniyang tinitirahan ay na-hit sila ng isang mabilis na motorsiklo at nagtuloy-tuloy lang ang nasabing motorsiklo,” sabi ni Police Lieutenant Charly Dela Cruz, Assistant Commander ng QCPD Traffic Sector 6.
Unang natunton ng mga awtoridad ang motorsiklong nakasalpok sa mga biktima.
Natuklasang 14-anyos lamang na lalaki ang nagmamaneho nito.
“Binalikan po natin kung saan natagpuan ang motor. At may isang lalaki na lumapit sa ating kasamahan at nagsabi na ang kaniyang anak ay 'yung rider na tumakas sa nasabing banggaan,” ayon kay Dela Cruz.
“Ayon po sa tatay ng minor, habang siya ay natutulog, tinakas ng kaniyang anak ang nasabing motorsiklo para kumain sa isang convenience store,” sabi ni Dela Cruz.
Hindi na nagsampa pa ng reklamo ang mga biktima nang makaharap ang menor de edad at ang tatay nito.
Sumailalim sa counseling ng Social Services Development Department o SSDD ang mag-ama, habang patuloy na hinahanap ng pulisya ang angkas na menor de edad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
