Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang suporta sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) dahil sa maganda umano ang layunin ng programa.
"In principle, agree ako diyan sa no contact. Agree ako diyan, magandang layunin niyan. Ang layunin niyan is 'yung traffic ano... masundan 'yung rules of the road na 'di tayo kung anu-ano 'yung ginagawa natin," paliwanag ni Marcos sa isang episode ng BBM Podcast nitong Biyernes.
"Bawas 'yan sa korapsyon," dagdag ni Marcos.
Taliwas sa pananaw ng mga kritiko tungkol sa programa, naniniwala si Marcos na mawawala ang pangingikil sa NCAP.
"Para sa akin it will be the opposite… Ito it will be based solely kung ano 'yung nasa picture. Magbabayad siya ng multa, hindi binibigay sa kahit kaninong tao, it's straight to the system," sabi ni Marcos.
Sa NCAP, mayroong mga closed-circuit television, digital cameras, at/o iba pang gadgets o teknolohiya para makita sa video at makuhanan ng larawan ang motoristang hindi sumusunod sa batas-trapiko.
Ang mga mahuhuli, maaaring magbayad ng multa via online, o sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Maaari din namang kuwestiyunin ng motorista ang ibinibintang na paglabag na ginawa niya sa NCAP.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

