Kaawa-awa ang sinapit ng isang 77-anyos na lola sa kamay ng mga kawatan na kinaibigan siya para mapasakay sa kotse. Pero nang nasa loob na ng sasakyan, sinuntok siya at kinuha umano ang kaniyang pera at alahas na aabot sa P100,000 sa Tondo, Maynila.Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali, mapanonood sa CCTV na pauwi na sana sa kaniyang bahay ang biktima matapos manggaling sa pamamalengke noong Linggo ng umaga.Isang lalaking nakasombrero at tila nagmamadali ang humabol sa senior citizen, na sinundan din ng isang babaeng nakaputing t-shirt.Sa isa pang kuha ng CCTV, nahagip na naabutan ng dalawa si Lola Minerva. Hindi na nakunan sa video pero sinabi ng lola na nakipagkuwentuhan pa sa kaniya ang dalawa na nagpakilalang magkapatid.“Tinulungan ako. Sabi niya, ‘Nanay, hahanap tayo ng mabibiling bahay. Kababa ko lang, galing ako sa barko eh. Ipakikila kita sa bago kong misis, ‘yung asawa ko.’ ‘Eh asan ba kako?’ ‘Andiyan ika sa banda rine, hali ka, ha lika,’” kuwento ng lola.Makaraan ang ilang minuto, napapayag ng mga salarin ang biktima na sumama sa kanila.Hanggang sa isinakay ang lola ng dalawa sa isang kotse, kung saan sumakay rin ang lalaking driver at isang babae na nagpakilalang asawa ng lalaking nakasombrero.“Isinara ngayon 'yung pinto. Doon ho ako nagwala. ‘Huwag kang maingay,’ wika nu’ng driver. ‘Papatayin ka namin.’ Tinakpan na uli ‘yung mata ko, nilagyan na ako ng ano sa bibig. ‘Huwag niyo akong papatayin mga anak. Huwag niyo akong papatayin,’ sabi kong gano’n,” kuwento ng senior citizen.Dito na sa pilitan umanong kinuha ng mga kawatan, ang kaniyang pera at mga alahas na aabot sa P100,000. Sinuntok pa ang senior citizen sa mukha at binti.Matapos nito, ibinaba si Lola Minerva sa bahagi ng Baseco, at binigyan ng mga salarin ng P200 na pamasahe niya pauwi.Nagsumbong ang lola ang kaniyang mga apo, na dumulog naman sa barangay.Sinabi ng barangay, may aktibidad noon sa kanila kaya hindi nakapasok ang pedicab kung saan nakasakay ang biktima.May kaalaman din sila tungkol sa ganitong modus sa ibang lugar.“Sa amin, nabalitaan na namin ‘yan sa ibang lugar na karaniwang binibiktima 'yung mga matatanda na namamalengke. Inaayos na po yan ng kapulisan,” sabi ni Barangay 67 Kagawad Danilo Mendoza.Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News