Isiniwalat ng isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero na nais na ngayong maging testigo kung ano ang ginagawa sa katawan ng mga biktima kapag nilikida na. Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng akusado na itinago sa pangalawang Alyas "Totoy," na kabilang sa mga nilikida ang online sabong master agent na si Ricardo "Jon-jon" Lasco, na dinukot sa kaniyang bahay sa Laguna noong 2021.Ayon kay Totoy, matapos dukutin ng mga inupahan niyang grupo si Lasco, pinaikot-ikot muna ito para kunan ng impormasyon at saka pinatay.Ang mga pinapatay, itinatali umano sa pabigat na may buhangin at saka ihuhulog sa Taal Lake upang hindi na lumutang ang katawan.Pinatay umano si Lasco dahil pinagkakitaan nito ang mga hindi awtorisadong pagpapalabas ng online sabong.Mahigit P2 milyon umano ang kabuuang naibigay ni Totoy sa grupong inupahan niya para dukutin si Lasco.Sinabi rin ni Totoy na mga pulis umano ang nasa likod ng pagdukot kay Lasco.May ipinakita pa si Totoy na cellphone video ng isang lalaki na may takip na face mask sa mukha na si Lasco umano.Ipinadala umano ang video ng grupong dumukot kay Lasco bilang patunay na hawak na nila ito matapos dukutin noong August 2021.Kinilala naman ng mga kaanak na si Lasco ang nasa video.Nanawagan ang kaanak ni Lasco sa mga awtoridad na protektahan si "Totoy," at i-secure ang lugar kung saan umano itinapon ang mga bangkay ng mga biktima.WALA NANG BUHAYSinabi rin ni Totoy na wala nang buhay sa 34 na nawawalang sabungero, kasama na ang dalawang menor de edad na sumama lang sa mga sabungero para magpakain sa mga manok at kumita ng kaunting pera.Inihayag ito ni Totoy nang magtanong ang kaanak ng mga nawawalang menor de edad na sina Myson Ramos, 14, at John Paul de Luna, 17.Sumama umano ang dalawa sa tatlo pang nawawalang sabungero na nagtungo sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna noong December 2021 pero hindi na nakauwi pa.“Sasama daw po siya sa pagsabong para yung kikitain niya pong pera, gagamitin niya po yun para mabigyan ng magandang bagong taon po yung kaniyang pamilya,” ayon kay Janice Esplana, tiyahin ni Ramos.“’Yung mga sasakyan po 'di na bumalik, tapos po may nag-report po sa amin na natagpuan po yung sasakyan doon sa Taguig,” sabi pa ni Esplana.Sa telepono, sinabi ni “Totoy,” sa kaanak ng menor de edad na, “Lahat walang nakaligtas. Ako na magsasabi sa inyo, pasensya na… pero walang nakaligtas.” Sa kabila ng kalungkutan sa kompirmasyon na wala na ang mahal nila sa buhay, umaasa silang makakamit pa rin nila ang hustisya sa pamamagitan ni Totoy.“Sa amin po ay sobrang laking tulong po, sir. Napakasaya po namin at kahit papaano po sa pakikipaglaban namin ay nagkaroon na po ng magandang linaw. Sana po bigyan ng hustisya kaming mahihirap na bagaman po kami ay wala pong pera… Ang batas naman po para sa lahat, hindi lang para sa mayayaman,” ayon kay Esplana.-- GMA Integrated News