Tinarget ng mga kawatan umano ang P10 milyon halaga ng mga high-end security camera at iba pang tech products na ipinadala mula Quezon City papuntang Makati City gamit ang isang online truck delivery app. Ang mga gadget, sa Cavite na natuklasan.Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang mga kahon-kahong gadgets na dinatnan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team matapos pasukin ang isang bahay sa Imus, Cavite.Kagayang mga gamit din ang nadiskubre ng pulisya sa isa pang bahay sa Kawit, Cavite.Dito umano iniimbak ng mga suspek ang mga produkto matapos nila itong tangayin habang ipinade-deliver ng isang supplier mula Quezon City papunta sa kliyente sa Makati City.“Around one hour na nakita ng victim na parang hindi na gumagalaw 'yung icon, tinawagan nila 'yung delivery vehicle, ang sabi lang initially ay may binaba din na ibang gamit at may nagbook din, may sinabay. But lumipas na 'yung dalawang oras, hindi pa rin nakarating doon sa Makati,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Crisostomo Ubac, hepe ng QCDACT.Kalaunan, hindi na nakarating sa Makati ang mga produkto. Hanggang sa makatanggap ang nabiktimang supplier ng mga mensaheng naniningil ng pera kapalit ng pagbalik sa mga ninakaw na gadget.“Nagde-demand na ng magpadala ng P5,000 initially para maibigay sa kanila o mai-deliver 'yung items and then pataas nang pataas 'yung amount,” sabi ni Ubac.Matapos i-trace ng pulisya ang profile ng may-ari ng na-book na delivery vehicle ng supplier, natuklasang na-hack ang kaniyang account at hindi na siya ang may hawak noon. Nag-report na rin siya ngunit hindi pa naaksyunan.Sa pag-backtracking ng pulisya para mahanap kung saan dinala ang mga gadget, narekober ang bahagi ng mga ito makaraan ang isa't kalahating araw pero ang ilang kahon, wala nang laman at nakalikot na umano ang ibang produkto.“Only about 60% ang na-recover. So about roughly 40% ng goods ay hindi na. I think na-dispose na ng mga grupong ito,” ani Ubac.Dinakip ang dalawang lalaking nakatira sa mga bahay kung saan inimbak ang mga nakaw na gamit.“Mayroon pong taong nagdala po sa bahay namin tapos nakilagay po. Sabi niya sa lolo raw po niya. Hindi po ako ang nagnakaw ng item na iyan,” sabi ng isa sa mga suspek.Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, robbery extortion, at theft sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.Patuloy na inaalam ng kapulisan kung sino-sino ang mga kasabwat at kung bahagi sila ng mas malaking grupong tirador ng mga gamit na ipinade-deliver gamit ang mga online app. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News