Balik-kulungan ang dalawang lalaki matapos masangkot sa reklamong robbery-snatching sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita, sinabi ng Rodriguez Police na riding-in-tandem ang istilo ng mga suspek na nambiktima ng dalawang babaeng call center agent pasado hatinggabi. Sa kuha ng CCTV, makikitang naghihintay sa gilid ng kalsada ang dalawang 23-anyos na biktima para umuwi.Hindi na nakuhanan ng CCTV ang aktwal na panghahablot, ngunit ayon sa imbestigasyon, sa bandang unahan lang ng kalsada nangyari ang insidente.“Sa may Barangay San Jose Bridge, ‘yung snatcher ay doon sa baba. Ginapang lang niya sa paakyat doon sa may gilid at hinablot nga itong cellphone ng dalawang babae,” ayon kay PLt.Col. Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.Makikita sa isa pang CCTV footage ang paghabol ng mga biktima sa mga suspek sakay ng kulay kahel na motorsiklo. Nagsisigaw umano ang mga biktima na siya namang nakapukaw ng atensyon ng ilang rider.“So doon sa ating pangatlong CCTV, nagkataon naman na talagang umiikot ‘yung ating kapulisan at nakasalubong nga nitong concerned rider. Siya ang nagsabi mismo sa ating kapulisan na may robbery-snatching na nangyari,” dagdag ni Sabulao.Tumalon mula sa motor ang isa sa mga suspek at agad itong naaresto ng pulisya. Ang isa pa na nagtangkang tumakas ay nahuli rin sa isinagawang follow-up operation.Narekober mula sa mga suspek ang ginamit na motorsiklo at ang ninakaw na cellphone.Sa video ng interogasyon, inamin mismo ng mga suspek ang krimen.“Naggala-gala lang po kami. Bigla na lang pong nanghablot po kami ng cellphone. Trip-trip lang po,” pahayag ni alyas Just, isa sa mga suspek. “Humihingi po kami ng tawad.”“Sa dalawa po naming complainant, humihingi po kami ng pasensiya,” dagdag naman ni alyas El.Lumabas sa rekord ng pulisya na dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa kasong may kaugnayan sa droga at nasa barangay watchlist din sila.Sa ngayon, nakakulong ang dalawa sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. —Sherylin Untalan/AOL, GMA Integrated News