Isang panalo na lang ang kailangan ng Pinay tennis ace na si Alex Eala para masungkit ang kampeonato sa Eastbourne Open. Ito ay matapos niyang talunin si Varvara Gracheva ng France sa semifinals, 7-5, 2-6, 6-3, sa Eastbourne, England ngayong Biyernes.
Nakuha ng 20-anyos na si Eala ang dikit na unang set, bago siya naungusan ni Gracheva sa ikalawang set.
Sa ikatlong set, tabla sila sa 3-3 bago tuluyang nakuha ni Eala—na kasalukuyang world no. 74—ang panalo. Umabot sa dalawang oras at 22 minuto ang kanilang laban.
Ito ang kauna-unahang beses na makararating si Eala sa finals ng isang WTA Tour tournament.
Bago ang naturang laban, kinailangan muna ni Eala na manalo sa qualifying round matches laban kina Zeynep Sonmez ng Turkiye at top seed Hailey Baptiste ng United States.
Sa main draw, tinalo naman ni Eala si Lucia Bronzetti ng Italy sa first round, at umabante sa second round nang umatras si Jelena Ostapenko ng Latvia, patungo sa quarterfinals.
Madali naming dinispatya ni Eala si Dayana Yastremska ng Ukraine, at si Gracheva sa semis.
Dati nang naglaban sina Eala at Gracheva sa first round ng Nottingham Open qualifying draw na nanalo ang una, 6-3, 3-6, 6-3.— FRJ, GMA Integrated News

