Humina umano ang bentahan ng mga isdang nanggagaling sa Taal Lake, gaya ng tawilis, kasunod ng alegasyon na sa naturang lawa itinapon ang bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kahit hapon na ay may mga paninda pa ring isda sa palengke ng Talisay na galing sa lawa.
Bago ang pagsisiwalat ng isang akusado sa missing sabungeros case na nais na maging testigo, sinabi ng mga nagtitinda na tanghali pa lang ay ubos na ang tinda nilang isda.
Pero matapos maibalita na itinapon umano sa lawa ang nasa 100 bangkay ng mga biktima na nilagyan ng pabigat na buhangin, humina na ang benta sa kanilang mga isda na galling sa Taal Lake.
“One week na ho [mahina ang benta]. Dahil nga sa isyu na yung mga magsasabong daw itinapon sa Taal Lake… siyempre matatakot yung ibang tao. Akala nga naman nila, nakakain yung mga isda rito ng tao,” ayon kay tindera na si Gemma Malibiran.
Pero pagtiyak nito, hindi nakakain ng tao ang mga isdang itinitinda nila dahil mga alaga umano ang mga isda kaya ligtas kainin.
Ang tindera na si Catherine Mendoza, hindi pa nabibili ang paninda niyang tawilis kahit hapon na.
“Inaalok lang po namin pero ayaw nilang bumili dahil apektado nga nung magsasabong na itinapon,” sabi niya.
Dakong 4 p.m. nang may bumili sa tawilis ni Mendoza.
“Ayos naman ang isda,” ayon sa bumili.
Ang ilang nagtitinda ng tilapia, hindi naman daw apektado ang bentahan.
Ipinaliwanag pa nila na matagal nang nangyari ang sinasabing pagtatapon umano ng mga bangkay sa lawa. –FRJ, GMA Integrated News
