Hinarang at kinumpiska ng mga awtoridad ang isang parcel na naglalaman ng mahigit P800,000 na halaga ng mga hinihinalang ecstasy tablet sa Manila Postal Facility.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, natuklasan ang may 500 piraso ng umano'y ecstasy tablets nang isagawa ang isang interdiction operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), at Philippine Postal Corporation (PHLPost).

Nakapaloob ang mga tableta sa pocket parcel na nanggaling sa Germany at naka-consign sa isang address sa Caloocan City.

Walang nadakip na suspek sa operasyon pero nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang nasa likod ng shipment at kanilang contact sa bansa. — Jamil Santos/ GMA Integrated News