Ituturing suspek na rin ang negosyanteng si Atong Ang at dating aktres na si Gretchen Barreto sa kaso ng nawawalang mga sabungero, matapos silang idawit ng isa sa mga akusado na nais na maging testigo, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Bunsod ito ng rebelasyon ni Julie "Dondon" Patidongan, o alyas Totoy, na si Ang umano ang utak sa pagpapadukot at pagpatay sa nasa 100 nawawalang sabungero mula pa noong 2021. May nalalaman din umano sa krimen si Barretto na malapit umano kay Ang.

"Mapapasama sila kasi nga pinangalanan sila, then we will have to include them as suspects," ayon kay Remulla nitong Huwebes sa ambush interview ng mga mamamahayag.

Si Patidongan ay nagsilbi umanong tagapamahala ng mga farm ng mga panabong na manok ni Ang.

Nang tanungin kung kalian isasama sina Ang at Barretto bilang suspek sa kaso, tugon ni Remulla, "Sooner than later."

"I-evaluate 'yan ng ating group of fiscals who will be assigned to evaluate all the evidence so that we will know what cases to file properly," paliwanag niya.

Sa kabila ng akusasyon ni Patidongan, iginiit ni Ang na inosente siya, at ang kaniyang grupo.

Nais umano silang kikilan ni Patidongan ng P300 milyon para hindi sila idawit sa kaso.

Pero ayon kay Patidongan, si Ang ang nag-alok ng P300 milyon kapalit ng pagbawi sa kaniyang mga akusasyon laban kay Ang at sa ibang sangkot umano sa krimen.

Sa mga naunang pahayag, sinabi ni Patidongan na dinukot at pinatay ang nawawalang mga sabungero dahil sa paniwalang nandaya sila o nantiyope sa sabong.

Itinapon umano ang bangkay ng mga biktima sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.

Nanawagan naman ang kampo ni Ang sa pamahalaan na tingnan ang ibang “lead” sa kaso at hindi lang ang galing sa isang tao na "false and misleading" umano.

Sinabi naman ni Remulla, na walang personalan ang ginagawa nilang imbestigasyon sa kaso.

"We are here investigating criminal behavior and criminal offenses so that we can solve this problem of the country. Problema ito ng bansa eh. Hindi naman ito problemang personal," ani Remulla.

"We will do what we have to do. And hindi puwedeng daanin sa publicity ito. That's why I do not speak at every turn when it comes to this," dagdag ng kalihim.

Sinabi rin ni Remulla na maaaring maging state witness si Patidongan sa kaso.

"It's always possible. 'Yung mga ganyang testimony na kailangang-kailangan, usually 'yan 'ang dini-discharge as state witnesses," saad niya.

Samantala, nang subukang hingan ng komento si Barretto, sinabi niya sa GMA Integrated News na magpapatawag siya kapag nakahanda na ang kaniyang team.— mula sa ulat si Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News