Hinangaan ang isang 17-anyos na color guard na tumuloy sa performance ng kaniyang marching band kahit na pumutok at dumugo ang kaniyang kilay matapos siyang magkamali sa pagsalo ng flag.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng pagtatanghal ng Wilson Marching Percussion, kung saan color guard ang dalagitang si Heart Carlos ng Parañaque City.

Kuwento ni Heart, nangarag siya sa isang bahagi ng pagtatanghal kaya siya nagkamali sa pagsalo ng flag at tumama ito sa kaniyang kilay.

"Ang nangyari po no'n, kasi hindi ko naman po masyadong naramdaman, kasi siyempre po kapag nasa field ka na, 'yung emotions mo talaga naka-ready ka na po panglaban talaga eh, so ang ano ko po nu'n is mag-play lang talaga kasi sayang po 'yung pinaghirapan namin na practice - 'yung pagod, biladan sa araw, kahit naulan," sabi ni Heart.

Kalaunan, pinalabas si Heart ng playing field para gamutin ang kaniyang sugat.

Ngunit para kay Heart, "the show must go on" kahit na pinipigilan siya dahil sa tinamong injury.

"'Yung part po talaga na kasunod... na after ko pong mabangasan dito is favorite part ko po talaga siya, so pinipilit ko po talaga na sabi ko, 'Sir okay lang po, kaya ko po.' Pinipigilan na nga po talaga nila ako na pumunta kasi nga po siyempre baka ano na rin po 'yung mangyari sa akin," ani Heart.

"Sabi ko lang po kaya ko po kaya pumayag na rin po sila na pumunta talaga ako kasi alam po nila na eager po talaga ako mag-play eh," dagdag niya.

Tatlong buwan pa lang si Heart sa grupo ngunit halos siyam na taon na rin siyang lumalaban sa mga competition bilang color guard.

Champion at hakot awards naman ang kanilang performance sa National Ensemble Competition ng Drum and Bell Corps Organization of the Philippines Inc.

Labis ang pasasalamat ni Heart sa humanga sa kaniyang netizens.

"Maraming salamat po kasi part po siya talaga ng pagti-training 'yung kailangan mo po talagang maging disiplinado na kapag nasa show ka na, kailangan mo pong ituloy. The show must go on nga po lagi pong sinasabi ng trainers kapag may practice na kapag nasa field ka na, andoon na 'yung momentum, dapat ituloy mo na po," sabi ni Heart. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News