Isa ang nasawi, at dalawa ang sugatan matapos na may sumabog ang pagawaan ng mga bala at baril sa Marikina City nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabing pawang trabahador ang mga biktima sa naturang pagawaan na nasa Barangay Fortune.
Ang isang biktima, naputulan ng dalawang kamay at kinalaunan ay pumanaw. Ginagamot naman sa ospital ang dalawang pang biktima na nagtamo ng mga sugat sa katawan at mata.
Sa paunang imbestigasyon ng Marikina City Police, isang kahon umano na may “primer” ang biglang sumabog na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong biktima na pawang dinala sa Amang Rodriguez Medical Center.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras,” sinabi ng pulisya na hawak ng biktimang naputulan ng mga kamay ang sumabog na kahon.
Ang “primer” umano ay kemikal o aparato na responsable sa pagsisimula ng pagsunog ng pulbura na siyang nagtutulak sa bala para pumutok at lumabas mula sa baril.
Sa isang pahayag, sinabi ng Armscor Global Defense, Inc., na may-ari ng pagawaan, na nakikipag-ugnayan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
"We are closely cooperating with the PNP to determine the cause of the explosion, and will provide updates as they come," saad ng Armscor.
"We immediately dispatched emergency response services in line with our safety protocols to prevent the likelihood of further injuries or damage," dagdag nito.
Tiniyak din nila na masusi silang sumusunod sa mga patakaran, "with all applicable international standards and practices, along with local regulations as well as inspections conducted by the Philippine National Police."
Ikinukonsidera naman ng Marikina City government na magsampa ng reklamo laban sa pamunuan ng pagawaan dahil sa posibleng pagpapabaya.—FRJ, GMA Integrated News
