Nasawi ang isang babae matapos siyang barilin sa mukha ng hindi pa nakikilalang gunman sa GK Compound sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang takbuhan ng mga residente bandang 12 a.m. matapos barilin ang biktima sa kalapit na eskinita.
“Pagpasok ko sa loob, may nakita nga akong nakabulagta na babae. Tapos tumawag na ako ng pulis. Ang tama niya po sa mukha eh,” sabi ni alyas “Mike,” nakakita sa biktima.
Ayon kay “Mike,” kilala niya ang biktima na tinatawag na alyas “Rina.”
Agad namang dumating ang pulisya at kinordonan ang lugar.
Ayon sa barangay, nagronda sila sa lugar Lunes ng gabi at nakausap pa nila ang biktima ilang minuto bago siya binaril.
Bago nito, nakiusap sa biktima ang barangay na tawagin ang mga magulang ng mga kabataan na tumatambay pa sa labas.
“Sabi nga ni kagawad ‘yung batang kakilala nu’ng nabaril na papasukin ‘yung mga bata. Pagkatapos noon, noong nasa barangay na kami, may isang concerned citizen na tumawag sa amin na meron daw naganap na shooting incident dito,” sabi ni Paul Festijo, barangay tanod ng Barangay 105.
Ayon sa ilang residente, isang putok ng baril lamang ang kanilang narinig.
Namataan din nila ang biktima na kasama ang live-in partner nito bago siya namatay.
Kasalukuyang hindi makita ang live-in partner ng nasawing babae.
Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente upang matukoy ang gunman at kung ano ang kaniyang motibo sa pamamaril. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
