Inihayag ng Philippine Navy na handa silang tumulong sa paghahanap sa nawawalang mga sabungero na pinaniniwalaang pinatay at itinapon ang mga labi sa Taal Lake.
“We are still waiting for the official request or for assistance from the Department of Justice. The Naval Special Operations Command is an elite unit of the Philippine Navy. They can be dispatched anytime, anywhere, any place,” ayon kay Philippine Navy spokesperson Captain John Percie Alcos sa isang press briefing nitong Martes.
“That will depend upon the initial inspection of the area but normally, as mentioned by [Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad], who is a Navy Seal, normally, three teams are dispatched for technical diving operations,” dagdag niya.
Ayon pa kay Alcos, karaniwang apat na tauhan ang nasa bawat isang team.
Nitong Lunes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na planong simulan ang paghahanap sa mga nawawalang sabungero ngayong linggo.
“We want to map it out and look at the condition so we can plan how to go about it,” saad ng kalihim.
Nang tanungin kung may partikular na lugar na tututukan sa gagawing paghahanap, ayon kay Remulla, “Mayroong fishpond lease ang isang suspek na ano natin, tinutukoy natin. Bali ‘yon ang ating ano... ground zero natin."
Inihayag din ni Remulla na inaasahan na makakakuha rin ang pamahalaan ng tugon ngayong linggo kaugnay sa kahilingan sa Japan para sa technical assistance sa paghahanap sa mga missing sabungero.
Una rito, sinabi ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy, na patay na ang mga sabungero na nawala mula noong 2021 at 2022. Itinapon umano ang mga bangkay sa Taal lake na nilagyan ng pabigat.
Bagaman 34 ang bilang ng mga nawawalang sabungero sa iniimbestigahang kaso, inihayag ni Patidongan na aabot sa 100 ang kabuuang bilang ng mga sabungero na pinatay dahil umano sa pandaraya sa laban.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

