Hinahanap ng mga awtoridad ang katawan ng isang transportation network vehicle services (TNVS) driver na hinoldap at pinaniniwalaang pinatay ng kaniyang mga pasahero sa Cavite. Ang sinapit ng biktima, madidinig sa video mula sa recording ng dashcam ng kaniyang sasakyan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras,” makikita sa video footage na naisakay ng biktima ang tatlong suspek sa isang establisimyento sa Parañaque City noong madaling araw ng May 18.

Pero hindi sumakay sa biktima ang tao na mismong nag-booked sa kaniya.

Nakita rin ang isang suspek ang may kinuhang patalim sa halamanan.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), sa Molino dapat bababa ang mga pasahero ng biktima. Pero sa halip, nagpaikot-ikot ito sa Cavite.

Sa dashcam footage ng TNVS, madidinig ang pag-uusap ng mga suspek tungkol sa pagkuha sa cellphone at ang ginagawa nilang pagpatay sa biktima habang bumibiyahe.

Dakong 2 p.m. noong May 18, may nakuhang CCTV footage ang NBI na makikita ang dalawang suspek na bumaba mula sa ninakaw na sasakyan.

“Nakita natin sa CCTV yung mga taong nagdala. Kung saan pagbaba nila sa convenient store, lumabas sila, sumakay ng pedicab, at later on, sumakay pa sa isa pang sasakyan,” ayon kay Atty. Joseph Martinez, NBI agent on case.

Labis ang hinanakit ng pamilya sa sinapit ng biktima.

“Masakit kasi hindi niya deserve mangyari sa kaniya ‘yon, yung mga dinanas niya sa mga taong walang awa. Patas siyang lumalaban sa buhay. Hindi siya nanloloko ng tao,” ayon sa asawa ng biktima.

Umaasa sila na mahahanap ang katawan ng biktima, na kung totoo man na patay na ito upang mabigyan nila ng nararapat na libing.

Tukoy na umano ng NBI ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sasampahan ng kasong carnapping at robbery with homicide.-- FRJ, GMA Integrated News

 



Tukoy na umano ng NBI ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sasampahan ng kasong carnapping at robbery with homicide.