Pitong senador na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sumusuporta kay Senador Francis Escudero para manatiling Senate president, ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

“Nakapag-commit na kami. I don't know if everybody signed it. Ako, nakapirma na ako (sa resolusyon na sumusuporta kay Escudero bilang Senate president).  We call ourselves Duter7,” sabi ni Dela Rosa nitong Miyerkules sa mga mamamahayag.

Bukod kay Dela Rosa, kabilang sa Duter7 senators sina:

  • Bong Go
  • Robin Padilla
  • Rodante Marcoleta
  • Imee Marcos
  • Mark Villar, at
  • Camille Villar.

“Kaming Duterte bloc, napag-usapan namin, we are inclined to support Senator Chiz Escudero. Wala namang kami nakita [na dahilan na] hindi dapat siya suportahan. We support him,” dagdag ni Dela Rosa.

“Ang pinaka-big factor d'yan na nakikita ko lang talaga is 'yung pagka-open niya. Nakikinig siya sa lahat ng sides. ‘Yun ang nagustuhan namin na liderato,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Dela Rosa na wala umanong kapalit na malaking senate committee o pagboto na ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ang pagsuporta niya kay Escudero.

“Wala akong hiningi. Basta, nagustuhan ko lang yung pamamalakad niya sa amin. He’s not close minded, and that’s what we need as a democratic institution,” paliwanag niya.

Kailangan ang 13 boto o suporta ng mga senador para mahalal bilang lider ng Senado.

Nitong Martes, sinabi ni Sen. JV Ejercito na 16 na senador na ang pumirma para suportahan si Escudero para manatiling Senate president.

Bukod kay Escudero, lumutang ang pangalan ni Sen. Tito Sotto na aspirante bilang Senate president. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti, GMA Integrated News